Kinundena ng Malakanyang ang umano’y militarisasyon sa bahagi ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, patuloy na pinanghahawakan ng Pilipinas ang pangako ng China na hindi ito gagawa ng anumang reclamation activities sa bahaging iyon ng karagatan.
Naniniwala si Roque na isang uri ng banta sa seguridad gayundin sa katatagan ng rehiyon lalo’t hindi lamang ang Pilipinas ang naghahabol sa mga pinag-aagawang teritoryo kung hindi maging ang iba pang bansa sa timog silangang Asya.
Magugunitang iniulat ng Chinese media na China Central Television Network na nakumpleto na umano ng China ang ginawa nilang reclamation activities sa Fiery Cross o Kagitingan Reef.
Kasunod nito, inamin din ni Roque na nakababahala ang ginawa ng China sa nasabing isla lalo’t pasok aniya ang Kagitingan Reef sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas batay na din sa naging ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands.