Naniniwala ang Malacañang na lubos na mauunawaan ng taumbayan ang naging aksiyon ng pamahalaan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kung malalaman ang proseso kung paano nagsimula at humantong sa pagka-aresto nito.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, hindi lang dapat ang nakakaawang kalagayan ng dating pangulo ang makita bilang naratibo, na aniya’y bahagi na lamang ng dulo ng kuwento.
Sinabi ni Usec. Castro na dapat ay masimulan at makita ng taumbayan ang buong larawan para maunawaan kung bakit nauwi sa ganitong sitwasyon ang mga kaganapan.
Dapat din aniyang maunawaan kung bakit kailangang tumugon ang bansa sa obligasyon nito at commitment sa interpol.
Kumbinsido si Usec. Castro na kapag nakita ng publiko ang kabuuan ng pangyayari ay magiging positibo ang kanilang pananaw sa ginawa ng administrasyon. —sa panulat ni John Riz Calata