Umapela ang Malakanyang sa publiko partikular sa mga residenteng maaapektuhan ng Bagyong Ompong na habaan ang kanilang pasensya sa paghihintay ng ayuda mula sa pamahalaan.
Ito ang inilabas na pahayag ng Malakanyang sa harap ng inaasahang pananalanta ng Bagyong Ompong sa malaking bahagi ng Luzon.
Ayon sa Malakanyang, ang mga maghahatid ng tulong ay posible ring maging biktima ng masamang panahon.
Gayunman, tiniyak ng Malakanyang na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang mabilis na maiparating ang tulong na kakailanganin ng mga tatamaan ng hagupit ng bagyo.
Sa katunayan umano ay may una nang naipadalang tulong sa mga mahahagip ng bagyo gaya sa Batanes kung saan nakarating na ang mga relief goods.