Nanawagan ang Malakanyang sa publiko na iwasan ang magpaka-kampante ngayong nalalapit na ang holiday season sa kabila ng patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na ang mga pagtitipon tuwing pasko ay maaaring maging sanhi ng muling pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Umaasa si Roque na hindi masasayang ang lahat ng pagtitiis at sakripisyo para lamang maabot ang estado kung saan mababa na ang COVID-19 case, lalo’t hindi pa tapos ang pandemya, kaya’t hindi pa dapat magpabaya.
Kasabay nito, ipinabatid ng Palace official na kung magpapatuloyang pagbaba ng kaso ng COVID-19 ay malaki ang tyansa na mas maging maluwag din ang quarantine restrictions, partikular sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng alert level 3 ang National Capital Region (NCR) at iba pang karatig lugar hanggang Nobyembre 14. —sa panulat ni Drew Nacino mula sa ulat ni Jenny Valencia Burgos (Patrol 29)