Muling nanawagan ang Malakanyang sa publiko na magpabakuna na kontra COVID-19.
Ayon kay acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang bakuna ay armas laban sa nasabing sakit at hindi isang kaaway.
Bukod sa numero at impormasyon, iginiit ni Nograles na malinaw ang sinasabi ng siyensa na ang bakuna ay isa sa pinakamabisang panangga ng tao sa COVID-19.
Dagdag pa nito, hindi isang tao ang makikinabang sa epekto ng bakuna kundi ang buong bansa.
Maliban dito, nanawagan din siya sa mga fully vaccinated individuals na magpa-booster shot para sa karagdagang proteksyon.
Sa huli, nagpaalala ang Palasyo na kahit bakunado na at unti-unti nang niluluwagan ang ipinapatupad na restriksyon, dapat pa ring sumunod sa minimum public health standards.—sa panulat ni Abie Aliño-Angeles