Nabastusan ang Malacañang sa walang abisong pagpunta sa bansa ni UN Special Rapporteur Agnes Callamard.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, binalewala ni Callamard ang protocol at ang naunang imbitasyon ng Malacañang.
Patunay lamang aniya ito na hindi interesado ang UN Special Rapporteur na magkaroon ng patas at kumprehensibong assessment at itinaon pa ang pagbisita sa bansa sa Universal Periodic Review ng United Nations Human Rights Council.
Matatandaang Setyembre ng nakaraang taon nang magpadala ang gobyerno ng imbitasyon kay Callamard para kausapin ang mga kinauukulang opisyal ng pamahalaan upang malaman ang problema ng iligal na droga sa bansa na hindi naman tinaggap ng UN Special Rapporteur.
Mariin namang itinanggi ni UN Special Rapporteur Agnes Callamard ang pahayag ng Malacañang na hindi ito nagpa-abiso sa pagbisita sa Pilipinas.
Iginiit ni Callamard, April 28 pa nang ipaalam niya sa gobyerno ng Pilipinas ang kanyang pagbisita at nilinaw din nitong hindi ito isang official visit.
Maliban dito, April 29 aniya ng i-acknowlegde ng pamahalaan ng Pilipinas na kanilang natanggap ang liham ni Callamard na nasundan pa ng palitan ng mensahe sa pamamagitan ng telepono, sulat at email.
Security
Samantala, hindi nababahala si UN Special Rapporteur Agnes Callamard para sa kanyang kaligtasan sa pagbisita nito sa bansa.
Ito ay kahit pa kilala siyang kritiko ng Duterte administration.
Ayon kay Callamard, hindi siya maaaring pigilan sa kanyang mga gawain dahil lamang sa mga banta.
Simula nang dumating sa bansa, inulan si Callamard ng batikos, banta at mura sa social media.
Una nang sinabi ng UN Special Rapporteur na bukas siyang imonitor ng pamahalaan ang kanyang mga aktibidad sa buong pananatili nito sa bansa para patunayang hindi siya magsasagawa ng imbestigasyon ukol sa extrajudicial killings.
By Ralph Obina
Palasyo nabastusan sa walang abisong pagbisita ni Callamard was last modified: May 6th, 2017 by DWIZ 882