Handa ang Malacañang na ilatag ang contigency measure nito kapag tuluyang sumirit ang presyuhan ng langis sa world market.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sususpindihin ang excise tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo kapag pumalo na sa 80 dollars per barrel ang presyo ng gasolina sa pandaigdigang pamilihan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Malacañang sa Department of Finance at Department of Budget and Management para sa mga ilalatag pang karagdagang ayuda alinsunod sa itinatakda ng TRAIN Law.
Sa ngayon, umaabot na sa 72 dollars ang kada bariles ng langis sa world market.
Mas mahal ang presyuhan ng mga produktong petrolyo sa Baguio City at El Nido, Palawan.
Kasunod ito ng higit pisong dagdag na presyong inilarga ng mga kumpanya ng langis kahapon.
Sa summer capital, mabibili ang diesel sa halagang 48 hanggang 49 pesos kada litro, gasolina 63 hanggang 67 pesos kada litro at kerosene 51.85 pesos kada litro.
Pumalo naman sa 55 pesos ang kada litro ng diesel, 69 hanggang 70 pesos ang kada litro ng gasolina sa El Nido.
Paliwanag ng Department of Energy, hindi kontrolado ng bansa ang pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil ang demand sa world market ang siyang nagdidikta ng presyuhan nito.
Dagdag pa sa nagpapataas sa presyuhan nito ay ang transport cost sa mga malalayong lugar na walang mga bulk facilities para pag-imbakan ng langis.
Fare hike
Samantala, kinontra ng grupong PISTON ang inihihirit na dagdag pasahe ng ibang public utility jeepney kasunod ng panibago na namang big time oil price increase kahapon.
Matatandaang humirit ang grupo ng Modernize Jeep ng dagdag piso na provisional fare para sa mga non-aircon at dalawang piso naman para sa mga aircon jeepney.
Ayon kay PISTON President George San Mateo, dapat ang gobyerno ang siyang kumilos para matigil ang walang prenong paghataw ng presyuhan ng langis.
Binanatan pa ni San Mateo ang panukalang surge charge sa pasahe tuwing rush hour dahil posible itong magdulot ng away sa pagitan ng mga tsuper at pasahero.
—-