Sinopla ng Malakaniyang ang hirit ng mga kritko at ilang mambabatas na maglabas ng regular updates hinggil sa lagay ng kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa harap na rin ito ng ilang araw na hindi pagpapakita Pangulo sa publiko na siyang dahilan ng mga pagdududa at ispekulasyon na mayruon itong dinaramdam.
Kahapon, naglabas ng dalawang larawan si Executive Assistant to the President Sec. Bong Go na nagpapakita ng maayos na kalusugan ng Pangulo habang nagbabasa ito ng ilang dokumento sa bahay ng pagbabago sa Malakaniyang.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, regular naman silang nagbibigay ng mga updates sa kanilang mga press briefing kaya’t walang dahilan para pagbigyan ang hirit ng mga mambabatas.
Kasunod nito, humingi ng pang-unawa si Abella sa publiko sabay giit na kailangan lamang magpahinga ng Pangulo matapos mabugbog ito sa sunud-sunod na aktibidad nuong isang linggo.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping