Masidhing pakikiramay ang ipinaabot ng Palasyo ng Malakanyang sa pagpanaw ng batikang mamamahayag na si Jose Malgapo Jr. o mas kilala bilang Joe Taruc o Manong Joe.
Ayon kina Presidential Communications Secretary Martin Andanar at Presidential Spokesperson Ernesto Abella, malaking kawalan sa media industry ng bansa ang pagpanaw ni Taruc na kilala rin sa tawag na Dr. J.
Itinuturing na institusyon sa larangan ng pamamahayag si Manong Joe at nirerespeto ng iba’t-ibang award giving body ang dedikasyon at galing nito sa pagbabalita at komentaryo.
Dagdag pa nina Andanar at Abella, isa rin sa mga haligi ng himpilang DZRH si Taruc at nagdadalamhati ang buong sambayanan sa pagyao ng isang magaling at masipag na mamamahayag.