Nagpalabas ng panuntunan ang Malakanyang hinggil sa mga pagbibiyahe sa ibang bansa ng mga opisyal ng pamahalaan.
Kasunod na din ito ng pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilan niyang appointees dahil sa umano’y labis at magastos na pagbiyahe sa ibang bansa.
Sa memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea, nakasaad na papayagan lamang bumiyahe ng abroad ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan kung istriktong bahagi ito ng kanilang mandato, hindi labis – labis ang gagastusin, at tiyak na pakikinabangan ito ng bansa.
Hindi din papayagan ang personal o pribadong pagbiyahe abroad ng mga opisyal at kawani ng pamalaan hangga’t hindi nakakakuha ng kinakailangang travel authorization mula sa kinauukulang ahensya, pormal na nakapaghain ng leave at hindi makasasagabal sa operasyon ang pagliban.
Sakop nito ang lahat ng pinuno ng mga ahensiya ng pamahalaan, government – owned and controlled corporations (GOCC), at financial institutions.
Babala pa ni Medialdea, posibleng maharap sa kasong administratibo ang lahat ng mga susuway sa kautusan at maging ang mga pinuno ng ahensya na nag – apruba o nag – endorse sa biyahe palabas ng bansa.