Tiniyak ng pamahalaan na nakatutok sila sa kaso ng death convict na si Mary Jane Veloso upang tuluyang mailigtas sa parusang kamatayan sa Indonesia.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ) sa kanilang counterpart sa kaso ni Veloso.
Aniya, naiparating na mismo ni Pangulong Noynoy Aquino kay Indonesian President Joko Widodo na si Veloso ay biktima lamang ng malaking sindikato ng droga at human trafficking.
Ipinabatid pa ni Coloma patuloy na umuusad ang kaso laban sa recuiter ni Veloso dito sa Pilipinas sa pangunguna mismo ni Justice Secretary Leila de Lima upang maipakita ang commitment ng Pilipinas sa Indonesia na dalhin sa kaparusahan ang mga nasa likod ng sindikato ng droga na nag-ooperate sa Southeast Asia.
Batay sa report, muli umanong isasalang sa death row si Veloso subalit wala pang tiyak na petsa na inilalabas ang Indonesian authorities kaya puspusan ang ginagawang trabaho ng DFA at DOJ para tuluyang mailigtas sa kamatayan si Veloso.
By Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)