Nakikiisa ang Palasyo kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa buong komunidad ng mga Kristiyano sa pag-obserba ngayong araw ng Linggo ng Pagkabuhay.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, na ang muling pagkabuhay ni Hesukristo ay hindi lamang katuparan ng pangako ng Mesiyas na sa ikatlong araw ay muli siyang mabububuhay mula sa pagkamatay sa krus, ngunit sumisimbolo ito ng katotohanan na pagkatapos ng mga paghihirap at pagdurusa ay mayroong paghilom, na pagkatapos ng bagyo ay mayroong isang bagong umaga, at pagkatapos ng pandemik na sakit ay may bagong bukas na naghihintay sa mundo.
Pahayag ni Panelo, habang nagsusumikap ang lahat na malampasan ang pinakamatinding kalamidad na kinakaharap natin bilang isang bansa, dapat paring pasalamatan ang Poong Maykapal dahil hindi niya hinayaang mapahamak ang sangkatauhan bagkus binigyan ng hindi matutumbasang pag-ibig at kapayapaan mula sa tila spiritual cleansing na ating pinagdaraanan.
Dagdag ng kalihim, itinuro sa mundo ng Kristiyanismo ang “pag-ibig sa isa’t-isa”,kungsaan ito aniya ang pinaka-angkop na oras upang yakapin at isabuhay ang naturang turo, na kahit ang mga hindi Kristiyano at ang mga agnostiko ay nauunawaan ito.
Sa pamamagitan rin aniya ng naturang kautusan ng Diyos, maaari nating maprotektahan ang bawat isa mula sa salot na sakit o virus.