Humiling ang Malakanyang ng pang-unawa mula sa mga may-ari ng mga maliliit na groceries dahil sa epekto ng isyu sa suplay ng asukal.
Ito’y matapos umangal ang mga may-ari ng small time grocery dahil hindi umano nila kakayanin na mapanatili ang mababang presyo ng kada kilo ng asukal.
Kaugnay ito sa boluntaryong pagbaba ng mga supermarkets ng presyo ng asukal sa 70 pesos kada kilo mula sa dating 90 hanggang 110 pesos kada kilo.
Ngunit sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, pansamantala lang naman ang 70 pesos kada kilong asukal at limitado lang din sa itinakdang dami.
Ibig sabihin, kapag naubos na ang volume ng asukal na binawasan ang presyo ay babalik na ulit ang presyo nito batay sa market prices.
Kung sakali man anyang mapalawig ito at labis na maapektuhan ang maliliit na groceries, tiniyak ni Angeles na magpapaabot ng tulong ang gobyerno.