Hinimok ng Malacañang ang mga miyembro Bangsamoro na suportahan ang paglikha ng bagong rehiyon ngunit manatiling mapagbantay para sa kanilang karapatan.
Ginawa ni Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo ang pahayag makaraang ilabas ng Comelec ang final tally nito sa ginanap na Bangsamoro Organic law o BOL plebiscite noong January 21.
Ayon sa Comelec, mahigit 1.5 million na botante mula sa pitong lugar sa Mindanao ang bumoto ng “yes“ para sa ratipikasyon ng Bangsamoro law, samantalang mahigit 198,000 lamang ang bumoto ng “no.”
Sinabi ni Panelo, na umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na maitatama na ngayon ang historical injustices na nagawa laban sa mga miyembro ng Bangsamoro.
Tiwala aniya ang Palasyo na sa pamamagitan ng BOL, magkakaisa na ang lahat ng stakeholders para maging maayos at matagumpay ang itatatag na autonomous government na tutugon sa mga pangangailangan ng mga taga-Bangsamoro at iba ng bawat citizens na nasa hurisdiksyon ng BARMM.
Bunsod nito, nanawagan naman ang palace spokesman sa lahat ng tumutuligsa sa bagong batas na irespeto at suportahan ang naging pasya ng nakararami.
Kaugnay nito, tinututukan na aniya ngayon ng pamahalaan ang BOL plebiscite sa darating na February 6 na gaganapin sa anim na bayan ng Lanao del Norte at tatlumpu’t siyam na baryo at dalawampu’t walong barangay ng North Cotabato.