Sinisiguro ng Palasyo na mananagot sa batas ang Manila Water sakaling mapatunayang may nangyaring mismanagement sa distribusyon ng tubig sa malaking bahagi ng Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, kung totoo na puno ang Angat dam at wala namang problema ang isa pang water concessionaire na Maynilad, malaki aniya ang posibilidad na may pagkakamali dito ang Manila Water na siyang dahilan ng malawakang water interruption.
Pahayag ni Panelo, hinihintay na lamang nilang matapos ang binubuong executive order para masimulan na ang imbestigasyon kaugnay sa umano’y artipisyal na kakulangan ng supply ng tubig sa Metro Manila.
Aniya, nakapagtataka dahil normal naman ang antas ng tubig sa Angat dam ngunit bakit tila nagkakaroon ng water shortage ang Manila Water.
Samantala, maaaring sampahan ng kasong sibil ang Manila Water kasunod ng malawakang kakulangan sa tubig sa Metro Manila at Rizal.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kailangan ay mapatunayan na ang nararanasang kakulangan sa tubig ay dahil sa kapabayaan ng Manila Water at hindi dulot ng kalikasan at ng iba pang hindi inaasahang sitwasyon.
Una nang sinabi ng grupong Bayan Muna na pinag-aaralan nila ang pagsasampa ng class suit laban sa naturang water concessionaire dahil sa laki ng naging perwisyo ng kawalan ng tubig.
—-