Nagpaliwanag ang Malakaniyang kung bakit ngayon lamang isinulong ng administrasyong Aquino ang panukalang dagdag sahod para sa mga kawani ng gobyerno.
Sa harap na rin ito ng batikos na baka gamitin ito bilang pampapogi lalo’t nalalapit na ang halalan at papatapos na ang termino ng Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abegail Valte, may resolusyon ang kongreso na repasuhin kada tatlong taon ang Salary Standardization Law kung saan, 2012 pa huling nagpatupad ng umento sa sahod ng mga manggagawa sa pamahalaan.
Sinabi pa ng opisyal na aabot sa 45 porsyento o P226 na bilyong piso ang umento sa sahod ng mahigit sa isa’t kalahating milyong kawani ng gobyerno.
Sa sandaling maipasa, Enero 1 ng susunod na taon ibibigay ang unang tranch ng salary increase ngunit hindi kasama rito ang Pangulo, Pangalawang Pangulo gayundin ang mga miyembro ng gabinete.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)