Nanindigan ang Malakanyang sa binitiwan nilang pahayag na hindi nagpa-abiso si United Nations o UN Special Rapporteur Agnes Callamard sa pagbisita nito sa bansa.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, nagpaabot sila ng mensahe kay Callamard na ipagpaliban ang pagbisita nito sa bansa dahil nasa Geneva, Switzerland ang delegasyon ng Pilipinas sa pangunguna ni Senador Allan Peter Cayetano para sa universal periodic review.
Sa katunayan, sinabi ni Abella na inaasahan ng delegasyon ng Pilipinas na makikita at makaka-usap nila sa Geneva ang UN Special Rapporteur.
Sa halip, naka-alis na aniya si Callamard patungong Pilipinas nang magsabi itong tuloy ang kanyang pagpunta sa Pilipinas.
Una nang sinabi ng Malakanyang na nakakadismaya at nakakabastos ang naging hakbang na ito ni Callamard.
By Ralph Obina