Malaki ang paniwala ng Malacañang na mga rebeldeng New People’s Army o NPA ang nasa likod ng pagpatay kay Loreto, Agusan del Sur Mayor Dario Otaza at anak na si Daryl.
Sinabi ni Malacañang Security Cluster Chief Undersecretary Emmanuel Bautista na istilo ng NPA ang ginawang pagdukot at pagpatay sa mag-amang Otaza.
Giit ni Bautista, mayroon ding dahilan para likidahin ang alkalde dahil dati itong miyembro ng NPA at nagpasuko sa mahigit 200 dating kasamahan na ikinagalit ng kanilang kilusan.
Ayon naman kay Presidential Communications Sec. Sonny Coloma, kumikilos na ang pulisya at militar para tugisin at panagutin ang mga pumaslang sa mga biktima.
Seguridad
Tiniyak ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez na nakahandang magbigay ng seguridad ang Pambansang Pulisya sa mga naulilang kaanak ng nasawing alkalde ng Loreto, Agusan del Sur na si Dario Otaza at gayundin ng anak nitong si Daryl.
Ginawa ni Marquez ang pahayag sa harap ng pangamba ng pamilya Otaza na baka balikan umano sila ng mga salarin.
Ikinalulungkot naman ni Marquez ang sinapit ni Otaza lalo’t maituturing ito na mahalagang ka-partner ng pamahalaan sa kampanya laban sa insurgency.
Giit ni Marquez, masigasig na itinaguyod ni Otaza ang kapayapaan at katahimikan sa kanyang nasasakupan matapos umano itong maging biktima ng panlilinlang ng mga komunista noong kabilang pa siya sa grupo.
By Jelbert Perdez | Aileen Taliping (Patrol 23) | Jonathan Andal