Binigyang linaw ng Palasyo ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibibigay na lamang sa mga Lumad ang ‘slots’ ng mga nagpoprotestang estudyante ng University of the Philippines (UP).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mahigpit na tinututulan ng Pangulo ang pag-walk out o pagliban sa klase ng mga estudyante ng UP at hindi karapatan ng mga ito sa pamamahayag.
Tanging hiling aniya ng Pangulo ay ilagay sa lugar ang mga protesta lalo’t pera ng taumbayan ang ginagamit sa pagpapa-aral sa mga ito.
Ipinaalala ni Roque na bagamat tutol ang economic managers noon ng Pangulo sa panukalang libreng matrikula para sa State Colleges and Universities (SUC’s) ay iginiit nito na hanapan ito ng pondo.
Dahil dito, nakiki-usap aniya ang Pangulo na huwag sayangin ang pagkakataon sa pag-aaral at huwag ding sayangin ang pera ng sambayanan.