Binigyang-diin ng Malakanyang na tatlo lamang sa sinasabing 85 pag-atake sa mga mamamahayag sa ilalim ng Duterte administration ang nasawi dahil sa pagiging hard hitting.
Ito ang nilinaw ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa lumabas na ulat na talamak ang pag-atake sa mga mamamahayag sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Andanar, dapat maipaliwanag sa taumbayan ang motibo ng pag-atake o pagpatay sa ilang mamamahayag dahil marami ding kaso ang walang kinalaman sa kanilang trabaho.
Giit ni Andanar, malalim ang malasakit ni Pangulong Duterte sa media at iginagalang nito ang press freedom, taliwas sa pahayag ng kanyang mga kritiko.
Sa katunayan, sa unang taon pa lang aniya ng pangulo sa puwesto, pinatunayan na nito ang kanyang malasakit sa press freedom matapos pagtibayin ang Executive Order no. 2 o ang Freedom of Information o FOI at ang Administrative Order no.1 na bumuo o lumikha sa Presidential Task Force on Media Protection.
Matatandaang kamakailang lamang dinalaw nina Andanar at Special Assistant to the President Bong Go ang burol ng napaslang na radio broadcaster na si Edmund Sestoso sa Dumaguete City at ipinangakong makakamit ng naulilang pamilya ang hinihingi nilang katarungan.