Tikom ang Malacañang sa naging deklarasyon ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang ilang probisyon ng kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020.
Ipinunto ni Acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles na kailangan munang makakuha sila ng kopya ng bagong Supreme Court Decision.
Sa sandali anyang matanggap ng Office of the Executive Secretary ang kopya ng ruling at magkaroon ng konsultasyon sa Office of the Solicitor General ay ikukunsidera ang susunod na hakbang.
Binigyang-diin ni Nograles na ang Republic Act 11479 ay commitment ng gobyerno na seryosong tugunan ang terorismo at panindigan ang Rule of Law.
Idineklarang Unconstitutional ng Supreme Court En Banc sa botong 12-3, ang ibinigay na depenisyon ng terorismo sa Section 4 maging ang ikalawang paraan ng designation bilang terorista sa Section 25, Paragraph 2.
Masyado anilang “malawak” ang naunang bahagi na tumutukoy sa terorismo pagdating sa mga protesta, na hindi lang umano terorismo kung “hindi nito layong makapatay o magdulot ng matinding pagkakapinsala sa tao, o maglagay sa buhay ng tao sa peligro, o gumawa ng seryosong banta sa kaligtasan ng publiko.”