Malaki umanong peligro para sa mga kandidatong may nakabinbing kaso ang pagsabak sa may 2019 midterm elections.
Ito’y makaraang maghain ng certificate of candidacy (COC) sina dating Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr.na pawang akusado sa pork barrel fund scam.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mali man o tama, marami na ang naniniwala na sangkot ang mga dating senador sa kontrobersya kahit pa sabihin nilang hindi pa naman sila convicted.
Kahit aniya may mga corruption charges ang ilang kandidato, labag naman sa konstitusyon kung pagbawalan ang mga ito na tumakbo sa halalan lalo’t hindi pa naman sila tuluyang dini-diskwalipika sa paghawak ng isang government position.
Bandang huli ay ipinunto ni Panelo na taumbayan pa rin ang magpapasya kung ihahalal o hindi ang mga kandidatong sangkot umano sa katiwalian.