Nilinaw ng Malakanyang na nagbibiro lamang si Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin nito sa kanyang June 2017 speech na nagnakaw siya mula sa public funds.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi naman tatagal sa gobyerno si Pangulong Duterte kung corrupt ito.
Magugunitang inihayag ng pangulo noong 2017 na marami rin itong ninakaw pero naubos na.
Ang nabanggit na pahayag ay ginamit naman ni Senador Richard Gordon laban sa punong ehekutibo at sa katunayan ay binanggit na naman ng mambabatas ang issue makaraang igiit ng pangulo na hindi siya magiging elected-president kung siya ay tiwali.
Gayunman, itinanggi ni Roque ang paratang ni Gordon kasabay giit na hindi pa kailanman nakatanggap si Pangulong Duterte ng notice of disallowance mula sa Commission on Audit sa loob ng 4 na dekadang political career. —sa panulat ni Drew Nacino