Pinaalalahanan ng Malakanyang ang publiko na maging alerto at ligtas sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Ompong sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Kasabay nito tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakahanda na ang pamahalaan sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tugunan ang mga kakailanganing ayuda ng mga posibleng maapektuhan ng bagyo.
Hinimok din ni Roque ang publiko na manatiling umantabay sa mga ulat, abiso at anunsyo mula sa mga estasyon ng gobyerno maging sa social media accounts ng mga ahensya ng pamahalaan.
Nagpaalala rin ang tagapagsalita sa mga mahahalagang kagamitan na dapat ihanda sa ganitong sitwasyon tulad ng flashlight, radyo na may bagong baterya, sapat na pagkain, maiinom na tubig, gas at first aid supplies.
Nanawagan din si Roque sa taumbayan na sama-samang manalangin para sa kaligtasan ng lahat.