Pinagpapaliwanag ng Korte Suprema ang Malacañang sa petisyon na kumukuwestyon sa defense agreement ng Pilipinas at Japan.
Sampung araw lamang ang ibinigay ng Supreme Court sa mga respondent kabilang na ang kalihim ng Department of National Defense para makapagsumite ng komento sa mismong petisyon at sa hiling na Temporary Restraining Order (TRO) laban sa pagpapatupad ng naturang kasunduan.
Ang naturang kautusan ay bunsod na rin sa inihaing petisyon ng ACT Partylist na kinakatawan nina Congressman Antonio Tinio, National Chairman Benjamin Valbuena at iba pang opisyal ng grupo.
Bukod sa Memorandum on Defense Cooperation, kasama rin sa kinukuwestyon ang Japan-Philippines Joint Declaration on the Strengthened Strategic Partnership na nakatuon sa pagpapahusay ng seguridad sa karagatang sakop ng bansa.
Iginiit ng mga petitioner na unconstitutional ang idinaos na joint military exercises dahil sa ilalim ng Section 25, Article 18 ng Konstitusyon, hindi pinapayagan ang presensya ng mga dayuhang sundalo sa teritoryo ng Pilipinas nang walang kaukulang tratado na sinang-ayunan ng senado at kamara.
By Meann Tanbio | Bert Mozo (Patrol 3)