Pinakilos na ng Malacañang ang liderato ng PhilHealth para kaagad bayaran ang utang nito sa mga ospital upang hindi makumpromiso ang pagtugon sa mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ipinabatid ni Presidential Spokesman Harry Roque na inatasan na ni Executive Secretary Salvador Medialdea si PhilHealth President Dante Gierran para bilisan ang pagbabayad ng utang sa mga ospital lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Binigyang diin aniya ni Medialdea na mawawalan ng kakayahan ang mga ospital na gamutin ang mga nagkakasakit ng COVID-19 kung walang pondo ng mga ito at nasa kamay ng mga ito ang 70% ng healthcare capacity.
Idinadahilan naman ni Gierran na kulang sila sa manpower kaya’t hindi kaagad napo-proseso ang claims dahil tinamaan din ng virus ang ilang tauhan ng PhilHealth at ang iba sa mga ito aniya ay namatay pa.
Una nang inihayag ng Private Hospitals Association na napipilitan silang magbawas ng manpower dahil sa kakulangan ng pondo at hindi rin pagbabayad ng PhilHealth sa kanilang claims.