Positibo ang Malacañang na magbabago din sa hinaharap ang pananaw ng mga Filipino sa China.
Kasunod ito ng resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan lumabas na apat sa sampung Filipino ang hindi naniniwalang tapat at makabubuti sa Pilipinas ang layunin ng China sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, naniniwala silang posibleng magbago pa ang puso at isip ng mga Filipinong nagsabing undecided at mga hindi sang-ayon sa China.
Ito aniya ay sa oras na makita ng mga ito ang positibong resulta sa ekonomiya ng Pilipinas ng tumitibay na relasyon ng bansa sa China.
Binigyang diin pa ni Panelo, kinakailangan din ng bansa na palawakin ang relasyon sa iba pang mga bansa bukod sa mga matagal na nitong kaalyado tulad ng Estados Unidos at Japan.
Tinawag din ni Panelo na panibagong political propaganda ng mga kritiko ni Pangulong Duterte ang nasabing survey nagpapalabas lang aniyang mayorya ng mga Filipino ang hindi pabor sa China.
—-