Naniniwala ang Malakanyang na ginagawa lamang ng State Prosecutors ang kanilang trabaho kasunod ng naging rekomendasyon ng mga ito na makasuhan si dating PNP Chief Oscar Albayalde dahil sa isyu ng ninja cops.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ginagawa lamang ng DOJ ang kanilang trabaho at ito na aniya ang pagkakataon na maidepensa ni Albayalde ang kanyang sarili.
Nanatili naman aniya ang presumption of innocence kay Albayalde at iba pa habang hindi pa sila napapatunayang nagkasala sa Korte.
Una nang nakitaan ng probable cause ng DOJ na makasuhan ng graft si Albayalde matapos nitong hindi ipatupad ang parusa sa mga pulis na sangkot sa kwestiyonableng operasyon sa Pampanga nuong 2013.