Ipinauubaya na ng Malakaniyang sa ombudsman ang pagsisiyasat at pagsasampa ng kaso laban sa lahat ng mga nasasangkot sa anomalya.
Ito ang naging reaksyon ng palasyo kaugnay ng sunud-sunod na mga report na inilalabas ng COA o Commission on Audit laban sa ilang mga opisyal at kawani ng pamahalaan.
Kaugnay nito, aminado si Presidential Spokesman Harry Roque na hindi pa nila batid kung ano ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga inilabas na ulat ng COA.
Gayunman, sinabi ni Roque na bagama’t tungkulin nilang ipatupad ang batas, nasa kamay naman aniya ng ombudsman na timbangin ang mga ebidensya na magdiriin laban sa mga sinasabing tiwaling opisyal at kawani ng pamahalaan.
Magugunitang kabilang sa mga inilabas na ulat ng COA ang umano’y kuwestyunableng transaksyon na pinasok ng DOT o Department of Tourism sa state run television network na PT4 ang di umano’y sobra-sobrang gastusin ng PLLO o Presidential Legislative Liason Office.
Gayundin ang pinakahuli ay ang kuwestyunable ring mga biyahe ng OIC o Officer in Charge ng Philhealth o Philippine Health Insurance Corporation na aabot umano sa mahigit 600,000 piso.