Ipinagkibit-balikat lamang ng Malakanyang ang mga puna at naghahanap sa presensiya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kalokohan lamang ng oposisyon ang kumakalat na tanong na “Nasaan ang Pangulo?” lalu na sa mga social media platforms.
Sinabi ni Roque, hindi kailanman na nawala ang pangulo at palagi rin aniya nitong iniisip ang kapakanan ng taumbayan.
Aniya, nagagawa na ng pangulo ang maya’t mayang pagmo-monitor sa mga sitwasyon kahit hindi lumabas ng Malakanyang dahil sa teknolohiya.
Maliban pa rito, iginiit ni Roque na nagbibigay rin ng utos ang pangulo sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Binigyang diin naman ni Roque na mas mababa pa rin ang bilang ng casualties sa panahon ng pamamahala ni Pangulong Duterte kung ikukumpara sa sinundan nitong administrasyon.