Mas naging ligtas at mapayapa ang pamumuhay ng mga Pilipino sa kasalukuyan kumpara sa nakalipas na mga panahon.
Ito ang buwelta ng Malacañang sa inilabas pastoral letter ng CBCP o Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kontra sa mga nangyayaring patayan bunsod ng war on drugs ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, mas marami pang bagay na dapat pagtuunan ng pansin ang Simbahang Katolika kaysa sa banatan at batikusin ang pamahalaan.
Magugunitang inilarawan ng CBCP sa kanilang kalatas na reign of terror ang mga ginagawang pagbabago ng administrasyon partikular na ang pagsugpo sa iligal na droga.
Samantala, tinawag naman na ipokrito at walang kahihiyan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang CBCP.
Ito ang tugon ng House Speaker sa inilabas na pastoral letter ni CBCP President at Lingayen – Dagupan Archbishop Socrates Villegas kontra sa mga nangyayaring patayan na may kinalaman sa kampaniya kontra iligal na droga.
Ayon kay Alvarez, walang moral ascendancy ang CBCP para humatol sa kung ano ang tama o mali dahil hindi naman alam ng mga obispo kung gaano kalawak ang problema.
Magugunitang binasa sa lahat ng Simbahan sa buong bansa ang nasabing pastoral letter bilang resulta ng tatlong araw na plenary assembly ng mga obispo noong isang linggo.
By Jaymark Dagala | With reports from: Aileen Taliping (Patrol 23) and Jill Resontoc (Patrol 7)