Suportado ng Malakanyang ang rekomendasyon ng GRP-NDF panel na hilingin sa Estados Unidos na alisin ang pangalan ni Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria “joma” Sison sa listahan ng international terrorists.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na naaayon ito sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na makausap ang liderato ng kilusang komunista.
Nanindigan ang palasyo na walang dahilan ang Estados Unidos para tanggihan ang kahilingan ng gobyerno dahil si Sison ay bahagi ng negotiating panel.
Bago nagtapos ang ikatlong round ng Peacetalks ay nagkasundo ang GRP at CPP -NDF panel na irekomenda kay Pangulong Duterte na hilingin sa Amerika na alisin ang pangalan ni Sison sa listahan ng mga international terrorists.
Si Sison ay naka-exile sa Utrecht , the Netherlands matapos kanselahin ang kanyang pasaporte noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1987.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping