Nakalatag na ang mga hakbang ng gobyerno para sa mga patuloy na maaapektuhan ng muling pagpapalawig ng GCQ sa ilang lugar makaraang ‘di payagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibaba na sa MGCQ classification ang buong bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, ilan aniya sa mga pamamaraang ito ang karagdagang pondo na hinihingi ng labor department para sa kanilang mga emergency cash-for-work program.
Paliwanag ni Roque, habang hindi pa kasi tuluyang nagbubukas ang ekonomiya, marami pa rin ang nangangailangan ng suporta, kahit man lamang mabigyan sila ng pansamantalang hanapbuhay.
Kasama rin ani Roque dito ang pagpapaigting at pagpalalawig ng mga pautang o loan programs ng pamahalaan at ang patuloy na pagpapatupad ng Bayanihan 2, kabilang na ang mga anti-poverty programs ng gobyerno na paglalaanan ng pondo mula sa national budget. —ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)