Titiyakin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na makakatanggap ng mga benepisyong nararapat sa kanila ang lahat ng frontline health care workers sa bansa.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasabay ng paghingi ng paumanhin sa pagkaka-delay ng hazard pay para sa mga medical front-liners.
Matatandaang nagsagawa ng protesta ang ilang medical workers bilang bahagi ng paggunita sa National Health Workers’ Day kung saan idinaing nila ang mababang sahod at naantalang mga benepisyo para sa kanila na inaabot na umano ng mahigit isang taon mula nang mag-umpisa ang pandemya.
Ayon kay Roque, tiniyak din sa kanya ni Health Secretary Francisco Duque III na ang bahagi ng natitirang pondo sa ilalim ng Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal As One Act (Bayanihan 1) ay ilalaan para sa hazard pay ng mga health workers.