Tiwala ang Malakanyang na para sa ikabubuti ng sambayanang Filipino ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022 national elections.
Ito’y kaugnay sa usap-usapang pagtakbo ng pangulo bilang vice president sa darating na halalan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nais nang magretiro ng pangulo ngunit hindi naman maaaring isara ang pintuan sa anomang posibilidad kaugnay sa posibleng pagbabago ng pasya ni Pangulong Duterte.
Kasabay nito iginiit ni Roque na wala naman ding batas na nagbabawal sa isang pangulo ng bansa na tumakbo muli bilang bise presidente.
Samantala, ipinabatid din ni Roque na wala siyang ideya sa plano ni presidential daugther Davao City Mayor Sara Duterte kaugnay sa nalalapit na eleksyon.