Tiwala ang Malakanyang na walang magiging epekto sa plano ng pamahalaan na bumili ng bakunang likha ng mga Chinese firms ang inihaing diplomatic protest ng Pilipinas laban sa China.
Kaugnay ito ng ipinalabas na bagong batas ng China na nag-aatas sa kanilang Coast Guard na gumamit ng puwersa laban sa mga dayuhang sasakyang pandagat na papasok sa inaangkin nilang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ibang usapin ang bakuna kontra COVID-19 dahil maituturing itong isang humanitarian act na tugon sa isang humanitarian disaster.
Sa kabila nito, sinabi ni Roque na kanilang ikinalugod ang hakbang ng dfa na maghain ng diplomatic protestlaban sa China.
Nagpapatunay aniya ito ng dedikasyon ng pamahalaan na tumalima sa rule of law at pagtiyak sa karapatan at interes ng Pilipinas batay sa umiiral na international laws.