Tiwala ang Palasyo na mahigpit na ipatutupad ng mga simbahan ang itinakdang guidelines ng pamahalaan kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque kasabay ng pagsisimula ng unang araw ng Simbang Gabi.
Ani Roque, tiwala sila na paiiralin ng mga simbahan ang 30% capacity ng mga mananampalatayang papayagang magsimba at ang pagsunod sa physical distancing.
Giit ni Roque, batid ng Palasyo ang kahalagahan ng pagsisimba sa bawat Pilipino, pero may responsibilidad aniya tayong dapat gawin.
Ito aniya ang ibayong pag-iingat kontra COVID-19 gaya ng pagsusuot ng face mask, at face shield.
Sa kabila nito, nanawagan naman ang Palasyo sa publiko na kung nakararamdam ng anumang sintomas ng virus, makabubuting huwag na munang dumalo sa mga misa.