Kumpiyansa ang Malakanyang na mas matitimbang ng mga Mahistrado ng Korte Suprema ang benepisyong makukuha ng mga Pilipino lalo na sa hanay ng mga manggagawa kaugnay ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ito ang inihayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa gitna ng ikinakasang petisyon ng Makabayan Bloc upang kuwestiyunin ang tax reform sa Supreme Court (SC).
Ayon kay Andanar, walang problema kung idulog man ng opposition congressmen ang tax reform law gayong bahagi ito ng proseso ng demokrasya.
Gayunman, naniniwala ang Palace official na mananaig sa kataas-taasang hukuman ang pakinabang na makukuha mula sa TRAIN kung saan simula sa unang payday ng Enero, ang mga sumusuweldo ng P25,000.00 kada buwan ay makapag-uuwi ng dagdag na take home na aabot sa P3,200.00.
Karagdagang P3,700.00 naman ang maiuuwi ng mga empleyadong may monthly salary na P30,000.00 habang ang mga sumasahod ng P35,000.00 ay may dagdag P4,900.00 na take home pay.
Epekto ng TRAIN Law
Aminado si Trade Secretary Ramon Lopez na walang ibang paraan upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Marawi City dahil sa TRAIN Law.
Ayon kay Lopez, ang tanging ayuda ng pamahalaan ay ang karagdagang P200.00 para sa lahat ng mga dati nang recipient ng conditional cash transfer program ng gobyerno.
Napakaliit aniya ng porsyento ang magiging impact ng bagong tax reform law pagdating sa price increase ng mga bilihin.
Malaki pa din aniya ang positibong epekto ng TRAIN law dahil exempted na sa pagbabayad ng buwis ang mga sumusweldo ng P21,000.00 pababa.