Tiwala ang Malakanyang na kayang tumindig at sumulong ang Pilipinas kahit wala ang tulong mula sa European Union.
Tugon ito ng Palasyo sa naging desisyon ng gobyerno na huwag nang tumanggap ng grant sa e.u. kung ang kapalit naman nito ay panghihimasok sa panloob na usapin ng Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na kailangang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili at sa halip ay iwasan ang mentalidad na tila nagmumukhang pulubi ang mga Pilipino sa ibang bansa.
Nakikita naman aniya ng publiko ang performance ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nakalipas na sampung buwan kung saan mabilis ang paglago ng ekonomiya.
Sa katunayan, ayon kay Abella, ang Pilipinas na ang ikalawang pinakamabilis na paglago sa Asya.
Binigyang-diin ng kalihim na hindi binalewala ng gobyerno ang mga tulong na naibigay ng E.U., subalit tingnan aniya kung paano ngayon umarangkada ang pag-unlad sa bansa.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping