Ikinatuwa ng Malacañang ang pagkakalusot ni Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa makapangyarihang Commission on Appointments.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tiwala silang mapapalakas pa ni Puyat ang mga repormang kanilang ipatutupad sa sektor ng turismo sa bansa.
Dagdag pa ni Roque, mahalagang industriya aniya ang turismo para sa pagpapalago ng ekonomiya gayundin ang pagbibigay ng kabuhayan para sa mga Pilipino.
Naniniwala rin ang Palasyo na maayos na magagawa ni Puyat ang kaniyang tungkulin bilang kalihim ng DOT sa harap na rin ng bilin sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang ahensya mula sa katiwalian.
Matatandaang, mabilis na lumusot sa committee level ng Commission on Appointments si Puyat.
Matapos na magbigay ng opening statement ni Puyat ay hindi na ito tinanong pa ng mga miyembro ng CA bagkus ay agad na inindorso ang kumpirmasyon nito sa komite.
Naging masaya si Puyat sa bilis ng pangyayari lalo’t naging sobra ang kanyang kaba nang sumalang sa CA.
Samantala, nirerepaso na ni Puyat ang performance ng mga under at assistant secretary ng ahensya.
Ayon kay Puyat, paraan niya ito upang makita at makilatis kung karapat-dapat ang naturang mga indibiduwal para sa posisyon.
Kabilang dito ayon kay Puyat si Undersecretary Kat de Castro na una nang napaulat na kinukuha ang serbisyo ng banda kung saan kabilang ang kanyang kasintahan para sa mga event ng DOT.
Nanatili pa rin De Castro sa ahensya sa kabila ng naging panawagan ng bagong kalihim na magpasa ng courtesy resignation ang mga Asec at Usec upang mabigyan sya ng freehand na magtalaga ng bago para sa posisyon.
—-