Tumanggi munang magkomento ang Malakanyang hinggil sa ulat na mas dumami pa ang presensiya ng mga barko ng China sa paligid ng Pag-asa Island.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, hihintayin muna nila ang magiging resulta ng assessment ng security, justice at peace cluster ng gabinete.
Ito aniya ay para malaman ang katotohan sa nasabing ulat gayundin ang magiging rekomendasyon ng mga ito kay Pangulong Duterte.
Sakali naman aniyang mapatunayang totoo ito, tiniyak ni Nograles na idadaan ng Pilipinas sa diplomatikong proseso ang pag-kwestiyun sa presensiya ng mga barko ng China sa Pag-asa Island.
Batay sa lumabas na ulat, ikinaalarma ng Armed Forces of the Philippines Western Command ang presensiya ng aabot sa 600 Chinese vessels sa paligid ng Pag-asa Island Simula noong Enero.