Umaasa ang Malakanyang na hindi palalalain ng mga tinamong pinsala sa agrikultura dahil sa Bagyong Ompong ang inflation.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi makakailang sobrang laking kawalan sa sektor ng agrikultura ang mahigit P14 bilyong pinsala dulot ng Bagyong Ompong.
Gayunman iginiit ni Roque, may mga hakbang nang ginagawa ang pamahalaan na makatutulong para makontrol ang inflation tulad ng pagbibigay pahintulot sa importasyon ng mga produktong pagkain.
Magugunitang sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na 2.4 percent sa naitalang 6.4 percent inflation rate noong Agosto ay dahil sa mataas na presyo ng bigas, karne, isda, seafood at mga gulay.