Umaasa ang Malakanyang na tutuparin ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang kanyang pangako na re-resolbahin nito ang problema sa tone-toneladang basura mula sa kanilang bansa dito sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, batay sa kwento ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi umano ni Trudeau na maaari nang maibalik sa Canada ang mahigit isandaang container van ng mga basura.
Matatandaang sa ginawang press briefing kahapon ni Trudeau sa International Media Center sa Pasay City, sinabi nito na inaaksyunan na ng gobyerno ng Canada ang nasabing problema upang agad na itong matapos.
Paliwanag ni Trudeau, nagkaroon lamang ng problema sa teknikalidad ng proseso ng pagbabalik ng basura dahil hindi aniya ito government to government transaction.