Binigyang diin ng Palasyo na isang paglabag sa equal protection of laws kung ang layunin ng babalangkasing batas ng Senado laban sa fake news ay parusahan lamang ang mga taong gobyerno.
Ito ang inihayag ni Presidential spokesman Harry Roque matapos muling talakayin sa Senado ang pagsusulong ng panukalang batas kontra fake news o Senate bill 1680.
Ayon kay Roque, bumubuo ng batas ang mga senador hindi para parusahan ang mga nasa gobyerno kundi upang itaguyod ang katotohanan.
Hindi lamang anya mga tauhan ng pamahalaan ang may obligasyon para ilabas ang mga totoong impormasyon at balita sa bawat issue bagkus ay tungkulin ito ng lahat.
Samantala, nagtataka naman si Roque kung bakit tila ang batas na nais isulong ng mga opposition senator kontra fake news ay nakatuon lamang sa pagpapanagot sa mga tao ng pamahalaan.