Umaapela ang Malakanyang sa publiko na iwasan na gumamit ng mga ipinagbabawal na paputok.
Iginiit ng Office of the Executive Secretary ang nakasaad sa Executive Order (EO) No. 28 na tanging community fireworks display ang dapat ipatupad ng local government units o LGU’s.
Malinaw din sa nasabing kautusan ang pagbabawal sa paggamit ng mahigit sa dalawang gramo ng pulbura ng sulfur o phosphorous na may halong chlorates tulad ng piccolo, super lolo, whistle bomb, goodbye earth at big trianggulo.
Pinahihintulutan naman sa ilalim ng Republic Act 7183 ang paggamit ng baby rocker, bawang, small trianggulo, pulling og strings, kwitis, el diablo, watusi at sinturon ni hudas.
Bukod pa ito sa mga sparklers tulad ng lusis, fountain, jumbo regular and special, trompillo, airwolf, butterfly at roman candle.
Magugunitang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na malinaw naman ang isinasaad ng EO No. 28 ng Pangulong Rodrigo Duterte na bagama’t hindi total ban ay nililimitahan naman nito ang paggamit sa mga paputok.
Paalala pa ni Roque, hindi lamang ang pulisya ang naatasang tumutok sa pagbabantay sa mga taong gumagamit ng paputok kundi pananagutan din ang lokal na pamahalaan.