Iginiit ng Palasyo ng Malacañang na walang pork barrel fund, sa mahigit P3 trilyong pisong proposed 2016 national budget.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, mismong si Budget Secretary Butch Abad na ang nagsabi na walang pork barrel sa panukalang budget, kaya hindi na ito dapat ipilit ni dating Senator Ping Lacson.
Binigyang diin ni Lacierda na kalahati lamang ng proposed budget para sa 2016 ang mapupunta sa kasalukuyang administrasyon at ang matitira ay mamanahin na ng bagong administrasyon.
Una nang sinabi ni Lacson na bago ipasa sa Kongreso ang proposed budget ay pinapili na ng Malacañang ang kanilang mga kaalyadong mambabatas ng magiging pet project na kahalintulad ng sa pork barrel system.
By Katrina Valle | Aileen Taliping (Patrol 23)