Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Palawan bunsod ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.
Ayon kay Winston Arzaga, chief ng public information office ng Palawan, sumampa na sa animnaraan dalawampu ang active cases sa lalawigan.
Peligroso na anya para sa kanilang probinsya ang nasabing bilang kaya’t kailangang magpatupad ng state of calamity upang magamit ang pondo para pambili ng pagkain, antigen kits at dagdag na personal protective equipment.
Bagaman mayroon ng molecular laboratory sa Puerto Princesa, nais ng local government na magtayo ng karagdagang pasilidad sa Coron at El Nido upang mas mapabilis ang paglabas ng resulta.
Batay sa tala ng Palawan PIO, umabot na sa 123 ang covid cases sa mga bayan ng Roxas, 93 sa Bataraza, 72 sa Brooke’s Point, 68 sa Coron at 61 sa Taytay. —sa panulat ni Drew Nacino