Ang Power Nap Contest ng South Korea ang itinuturing na pinakamasaya at pinaka-relaxing na paligsahan sa buong mundo.
Sa halip kasing mapagod at pagpawisan, ang kailangan mo lamang gawin sa kompetisyong ito ay matulog!
Kamakailan lamang, nasa 100 South Koreans ang nagtungo sa Han River Park sa Seoul upang lumahok sa Power Nap Contest.
Suot ang kanilang mga damit pantulog, kanya-kayang hanap ng kumportableng pwesto ang mga kalahok upang matulog nang mahimbing sa loob ng isang oras at 30 minuto.
Ayon sa organizer ng 2024 Power Nap competition na si Lim Ji-Hyeon, ang South Korea ang may pinakamababang sleep duration sa mga bansang kasapi ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD).
Batay sa datos, natutulog lamang ang isang South Korean ng 7 oras at 41 minuto kada gabi; mas mababa kumpara sa OECD average na 8 oras at 22 minuto.
Sa pamamagitan ng pagdaraos ng Power Nap Contest, umaasa ang organizers na makakapagpahinga ang mga kalahok at mararamdaman ang mga benepisyo ng pagtulog.
Hindi naman ganun kadali ang kompetisyon dahil habang natutulog, iistorbohin ang mga kalahok sa pamamagitan ng pagkiliti, pagbulong, at iba pa.
Matutukoy naman ang nanalo sa pamamagitan ng pag-alam sa heart rate ng mga kalahok dahil kung mas malaki ang pinagkaiba ng tibok ng puso bago at habang natutulog, mas maayos ang naging pahinga.
Gaano man tayo kaabala sa buhay, mahalaga pa ring tiyakin na mayroon tayong sapat na tulog at pahinga. Tandaan, ang pagtulog ay isang mahalagang bahagi ng ating araw na nagbibigay sa atin ng lakas at sigla upang harapin ang mga hamon ng buhay.