Naniniwala ang ilang mambabatas sa paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque na kulang ang supply noong kasagsagan ng pandemya kaya’t mataas ang presyo ng medical supplies.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, inihayag ni Duque na hindi na nila mahintay na bumaba ang presyo ng mga face mask, face shields at PPE dahil marami ng apektadong medical workers.
Kabilang sa mga sumang-ayon ang kilalang kaalyado ng administrasyon na si Deputy House Speaker Rodante Marcoleta at Quezon Province Rep. Jayjay Suarez.
Ayon kay Suarez, dahil sa law of supply and demand, sadyang mataas ang presyo noong panahong iyon na hindi maaaring kumpara ngayon dahil magkaiba ang sitwasyon noong 2020 sa kasalukuyang taon.
Inamin ni Duque na noong unang buwan ng pandemya ay umabot na sa 27 health workers ang namamatay kaya’t napilitan na silang bumili kahit mahal ang presyo.—sa panulat ni Drew Nacino