Handa ang Maute Group na palayain ang kanilang bihag na paring Katoliko kapalit ang kalayaan ng naarestong mag-asawang Maute.
Ito ay ayon sa source ng pahayagang Inquirer na nakausap mismo si Abdullah Maute nang magkaroon ng walong (8) oras na ceasefire sa Marawi City.
Ayon sa naturang source, bukod sa kalayaan ng mga magulang ng Maute brothers, inihirit din ng grupo na handa silang lisanin ang naturang syudad kung mamamagitan sa krisis ang Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Ngunit kung hindi mapagbibigyan ay wala umanong intensyon ang Maute na makipagusap sa gobyerno at handa silang makipaglaban hanggang sa huling patak ng kanilang dugo.
Kaugnay nito, bineberipika pa ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang nasabing demand ng Maute Group na palit-bihag.
Ayon sa militar, sakaling totoo man ang ulat ay wala rin sa kanila ang desisyon ukol dito.
Nilinaw din na walang emisaryong ipinadala ang AFP para sa ipinatupad na humanitarian ceasefire sa Marawi.
Open for another humanitarian pause
Samantala, bukas ang AFP na muling magpatupad ng humanitarian pause o tigil-opensa laban sa Maute Group sa Marawi City.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, hindi kinakailangang maghintay ng mga espesyal na okasyon para muling ipatupad ang humanitarian pause.
Aniya, nakahanda silang muling isagawa ito lalo na’t nakasalalay ang buhay ng mga sibilyang naiipit sa bakbakan sa loob ng lungsod.
Pagtitiyak ni Arevalo, sakaling muling ipatupad ang humanitarian pause ay kanilang sisiguraduhing hindi ito masasamantala ng Maute Group.
Kasunod nito, umaasa si Arevalo na makapag-iisip na ang teroristang grupo kung tama pa ba ang kanilang ipinaglalaban.
By Rianne Briones / Krista de Dios / with report from Jonathan Andal (Patrol 31)
Palit-bihag inialok ng Maute Group sa militar was last modified: June 27th, 2017 by DWIZ 882